Apatnapu't apat na taon na si Papa. Pangatlo sa apat na magkakapatid. Laki sa hirap. Lumaki na pinagmalupitan ng tadhana. Ipinagpalit sila ni lolo para sa isang babae at bumalik kung kailan matanda na.
Civil Engineering ang kurso niya noon sa FEU. Aktibista rin siya noong panahon ni Marcos. Doon sila nagkakilala ni Mama. Sa kasamaang palad, isang taon na lang ang kulang para makatapos sila ng pag-aaral, buntis na kasi ang Mama.
Mabisyo ang Papa. Naging adik noong kabataan. Lasenggero. Marami naring naging babae ang Papa kahit kasal na sila ni Mama. Isang babaero. Pero alam ko, mali ang pagkakakilala ng mga tao kay Papa at sa mga katulad niya. Bilang bata, hindi nawala sa akin ang pagtatanong kung nasaan si Papa. Naalala ko pa kung anong hitsura ni mama habang sinasabing wala si Papa, iniwan na kami dahil sa isang babae.
Sabi ng Mama, masama raw ang pakikipag-girlfriend 'pag may asawa na ang isang tao. Inabot na raw sa saksakan ang away nila kaya minabuti na ng Mama na makipag-hiwalay. Anupa't tatlo na ang anak niya at buhay binata pa rin siya.
Parating pinapaalala sa amin ng Mama na "kahit anong nagawa sa amin ni Papa at pagbali-baligtarin ko man ang mundo, siya pa rin ang tatay namin." Palibhasa'y mahal niya pa rin, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw niya. Uuwi kung kailan niya magustuhan, tapos aalis na ulit pag gusto na niya. O di kaya, 'pag nag-away sila ng babae niya tapos aalis na ulit 'pag ok na sila. Ganyan ang pattern ng buhay ng tatay ko.
Madalas kaming nakikisali sa mga kamag-anak ni Mama kapag may mga importanteng okasyon gaya ng Pasko. Doon ko unang narinig ang mga salitang 'Kabit', 'Pendeho' at 'Martir'. Pendeho raw si Papa at Martir naman si Mama. Dapat rin daw kay Mama, patayuan ng rebulto sa tabi ni Rizal at ipabaril sa Luneta. Kahit kasi anong payo nila, mahal pa rin niya si Papa.
Minsan lang kami makabalita ng tungkol sa kanya. Sa Marikina rin kasi siya napatira. Mabuti naman daw ang lagay niya ayon sa mga nagbabalita. May tirahan naman daw sila ng babae niya at husto sa lahat ng pangangailangan. May anak ang babae niya sa dating kinakasama. Sa sustento nito sila kumukuha ng pang araw-araw, habang nagmamaneho ng jeep bilang sideline.
Isang beses, umuwi ang Papa. Sira-sira ang suot na damit habang dala-dala ang damitan na amoy Ga'as. Nag-away pala sila ng babae niya dahil sa isa pang babae. Hinampas siya ng hinampas ng yantok, pinalayas at binuhusan ng ga'as ang mga damit.-- Iyon naman pala eh, bakit pa rin kaya siya nandon!? Na-imagine ko na lang tuloy ang Papa na parang kawawang bata na sinasaktan. Nang magkabati na sila, umalis na ulit ang Papa. Wala pang isang taon ay nakita ko na naman ang sarili kong wala nanamang tatay. Ikaw ba naman ang magkaroon ng ganong tatay, kailangang maging matatag, kailangang lumaban, kailangang magpatuloy ang buhay.
Kung tutuusin maraming na-miss ang Papa sa buhay naming magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang una akong umawit sa entablado. Wala din siya nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nitong 'bading' sa harap ng natitipuhan ko, dahil torpe daw ako. Wala din siya para turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Ate na naging finalist ng Little Miss Philippines at Rainbow Princess sa Eat Bulaga at SST, at ako naman para sabitan niya ng medalya para sa mga declamation contests at singing competitions na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad kong nagbibinata-- ang magpatuli. Wala rin siya para turuan akong maglanggas... Wala siya nang nahirang akong bise-presidente ng buong hayskul department. Wala rin siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagbabalik. Wala siya nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala siya, wala siya parati.
Napansin ko na lamang na mas naibubuhos naming magkakapatid ang aming oras sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.
Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng Papa at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa babae niya. Makalipas ang ilang araw, nalaman namin na may sakit pala si Papa. Sabi ng doktor ay may TB at diabetes siya. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na may enlargement of the heart din siya. Minsan naitanong sa sarili ko kung bakit gano'n ang buhay, kung kailan may sakit na siya tsaka lang siya nagbalik para makasama namin. Natanong ko rin sa sarili ko kung mahal ko ba siya. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at isang "hindi ko alam" lang ang naisagot ko sa sarili ko.
Gaya ng dati, kung gaano kabilis na bumalik ang Papa ay ganun din kabilis na umaalis siya. Habang pinagmamasdan ko ang Papa habang nakahiga at may sakit, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang mangyari sa amin, kung anong klase siyang tao, kung mahilig rin ba siyang kumanta at sumayaw gaya ko, kung San Miguel o Purefoods ba ang team niya sa PBA-- isang malaking EWAN lang ang maisasagot ko sa iyo.
Noong bata pa ako, laging wala si Papa. Kapag nandito naman siya, mas malaking oras ang nagugol niya sa pagpasok sa trabaho niya at pakikipag-inuman sa mga kaibigan niya. Habang busy siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical examinations at iba pang gawain sa school. At habang kasama namin siya, kahit makipagkuwentuhan ay mahirap gawin dahil parang nakakaramdam ako ng hiya. Halos hindi ko kasi siya kilala bilang tatay ko.
Matagal nang panahon mula ng umalis ulit si Papa. Minsan nabalitaan kong naglayas ang kaibigan ko, pilit ko siyang pinauuwi. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa tatay niya na pinagmalupitan siya dahil bagsak ang grado niya. Madalas akong nakakakita at buong kawilihan kong pinagmamasdan ang isang bata habang nakikipaglaro sa tatay niya. Nakakatuwang tignan dahil napakasaya nila.
Sa tingin ko lang, "buti pa sila lumaking may Tatay." Syempre hindi ko sinabi iyon sa kanila. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung kanino ako kampi, kami pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang pasikreto siyang nakipagkita sa babae ng tatay niya. Hindi naman sila nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang alam kay Papa.
Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataong lumaking may tatay. Minsan, gusto kong sisihin ang buhay sa kapalaran ko. Na kung bakit sa dinami-dami ng tao, bakit ako pa ang lumaking walang tatay? Kadalasan rin sinisisi ko ang babae niya sa pag-agaw ng maraming taon sa buhay namin. Sayang ang labingwalong taon na iyon. Naturuan man lang niya sana akong maglakad. Naturuan man lang niya sana akong tawagin siyang 'Papa'. Naipagtanggol 'pag may umaaway. Naka-duet man lang sana kahit isang kanta lang, o di kaya'y naturuan niya akong mag-bike. (Diyes anyos na ko nang matuto mag-bike).
Isa sa mga klase ko sa Nursing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla tuloy akong nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa isang tatay ang isusulat ko.
Ikuwento ko kaya na isang iresponsable, dating adik, lasenggero at babaero si Papa? Isang walang kwentang tao at walang nagawang maganda sa pamilya? Sabihin ko kayang wala kaming family picture kahit isa? Na dumaan ang maraming taon na wala kaming tatay dahil sa isang babae? O kaya magpanggap na lang na wala akong tatay?
Kuwento ko kaya kung paano nagpabaya si Papa sa pagbibigay ng pangangailangan namin. Na 'pag bumalik siya, pagkatapos ng ilang linggo, wala nanaman akong tatay. Na nakapag-aral kami kahit wala siya. Na hindi niya alam kung kanino ba ang tatlong araw ng kapanganakan na alam niya at ilan ang eksaktong edad naming magkakapatid. Na kahit tatay namin siya ay hindi namin lubos na kilala ang isa't isa. Siguro isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.
Kuwento ko kaya na wala akong alam kung pa'no magmahal ang isang tatay. Na may mga gabing iniisip ko kung kamusta na kaya siya. Kung okay lang ba siya o hindi. Na may mga gabing natutulog ako ng umiiyak at ipinaghehele ng malamig na hangin sa gabi.
Pakita ko kaya ang mga litrato ni Papa na lasing siya habang ikinakasal sila ni Mama. O di kaya'y dalhin ko ang picture niya habang nag-iinom siya. Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na umalis siya at ngayo'y malalaki na kami. Na nakakaya namin kahit wala siya.
Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa mundo ang anak dahil lumaki itong walang tatay.-- Teka, hindi ako gano'n!
Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala ko kay Tatay. Limang taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari. Nagkaroon ng simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang tumayo siya at kinuha ako mula sa kuna ko. Inutusan niya ako na ikuha siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na ako daw ang nag-iisang junior niya. Kamukha ko daw siya at may dimple sa kaliwang pisngi. Buong pagmamalaki rin niyang ibinida na natanggap na raw ako sa lokal na Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo ko, matatas na ako magsalita at madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya. Mistulan siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako ang kanyang korona.
Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga taong wala siya at lumalaki kaming walang ama. Mga panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon. Baka mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.
Kahit gano'n ang Papa, naiintindihan ko siya.
Siguro, kaya nangyayaring isinasantabi tayo kasi may dahilan kung bakit. Siguro, para malaman natin ang mga dapat nating malaman, para maintindihan natin ang mga kailangan nating maintindihan, para magkaro'n ng direksyon ang ating mga buhay at para mas gumanda ang mga natitira nitong araw...
Siguro, may mga pagkakataong kailangan tayong mag-isa kasi kagustuhan NIYA. Siguro, para matuto tayong mag-isa, para matuto tayong magsikap, para matuto tayong lumaban sa buhay, para matuto tayong magtiwala sa ating mga sarili na kaya natin at para matutuhan nating makaya sakaling may kailangan ulit mawala...
Naiintindihan ko na walang tao ang may karapatang kasuklaman ka dahil sa iyong mga desisyon, dahil hindi nila alam kung gano ka kasaya na naisakatuparan ito.
Kahit wala sya ngayon sa aming piling, tatay ko siya, utang ko ang buhay ko sa kanya. At kahit anong sama ng nagawa niya sa amin, mahal ko siya. At kahit pagbali-baligtarin ko man ang mundo, siya pa rin ang tatay ko.






